2 lalaki todas, 3 sugatan sa rambol

Dalawang kalalakihan ang nasawi at tatlo naman ang sugatan sa isang rambol habang idinadaos ang isang dance party kahapon ng umaga sa Pasig City.

Namatay habang ginagamot sa Rizal Medical Center ang mga biktima na kinilalang sina Eduardo Anila, 35, mason at Wilfredo Sepagan, 33, kapwa residente ng Kankungan Site, Manggahan, nasabing lungsod bunga ng mga malalim na tama ng patalim sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.

Ang mga sugatan ay sina Edison Manlapaz, 36, mason; kapatid ni Anila na si Jerry at Rolly Gonzaga.

Inaresto naman ng pulisya ang isa sa suspect na si Alexander Mendoza, 20, pintor at Manlapaz matapos ituro ni Gonzaga na sila ang nagpasimula ng gulo sa nabanggit na okasyon.

Nabatid na nagalit umano si Mendoza matapos na isayaw ng isa sa magkapatid na Anila ang kanyang live-in partner na nasa sayawan.

Ilang minuto matapos ang pagsasayaw ay nagwala umano si Mendoza at walang habag na iwinasiwas ang kanyang dalang kutsilyo kasunod ng rambulan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments