Dayuhan natagpuang lumulutang sa Manila Bay

Hinihinalang pinatay muna bago pinagnakawan ang isang dayuhan na natagpuang lumulutang sa likod ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa Manila bay, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay SPO3 Eduardo Cabria ng Criminal Investigation Division (CID) ng Pasay City Police, ang biktima na pinalalagay na Tsino o Koreano ay natagpuan ng isang nagngangalang Boyet Ignacio, dakong alas-7:14 ng umaga habang lumulutang ang bangkay sa naturang lugar.

Ani Ignacio, abala siya sa paninisid ng tahong sa may gilid ng Jumbo Palace sa Manila Bay nang may mabundol siyang malambot na bagay sa pag-ahon.

Laking gulat niya nang makita ang bangkay ng lalaki na parang isang Intsik o Koreano na nakasuot ng kulay asul na long sleeves, maong pants at kulay brown na sandalyas.

Ang biktima ay tinatayang nasa gulang na 45-48 at may taas na 5’7 talampakan.

Malaki ang hinala ng mga imbestigador na posibleng ang dayuhan ay biktima ng holdap bago tuluyang pinatay at itinapon sa dagat. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments