Kinilala ni BI Commissioner Andrea Domingo ang mga dinakip na dayuhan na sina Frederic Levesque, 25, may hawak na Canadian passport at Panagiotis Chatzigeorgiou, 20, taglay ang Greek passport.
Dumating ang dalawa kahapon dakong 12:30 ng tanghali sakay ng Malaysian Airlines flight MH 806 at may connecting flight patungong Guam.
Sina Levesque at Chatzigeorgiou, suot ang mamahaling damit, may kulay ang buhok at asul na contact lens, isang pamamaraan ng mga Iranian upang sila ay magmukhang Europeans ay kasalukuyang nasa clearing section patungo sa kanilang susunod na destinasyon nang mamataan ni BI Intelligence agent Vincent Allas.
Nang sinuri ni Allas ang kanilang mga pasaporte, natuklasang may mga palatandaan ng tampering, partikular sa larawan ng mga pasahero.
Iba umano ang pirma ni Levesque sa kanyang pasaporte nang itoy hiniling na lumagda sa isang papel.
Samantala, ang pasaporte naman ni Chatzigeorgiou ay tampered sa bahagi ng "passport-readable" ng dokumento.
Sa tulong ng mga kawani ng Malaysian Airlines, nabatid na nakaw ang mga ticket na ginamit ng dalawa at nauna nang inisyu sa mga batang pasahero.
Kaagad na ipinag-utos ni Domingo ang kanilang exclusion order at kaagad na pinabalik sa kanilang point of origin sakay ng eroplanong nagdala sa kanila sa Pilipinas.
Nabatid na bago dumating ang dalawang Iranian, nakatanggap ng isang intelligence report ang BI tungkol sa mga dumarating na pasahero galing sa Middle East at ginagamit ang Pilipinas, Vietnam at Thailand upang magtungo sa United States, Canada at iba pang bansa sa Asia at Europe. (Ulat ni Butch Quejada)