FEU student patay sa cellphone gang

Binaril at napatay ng dalawang hindi nakikilalang holdaper ang isang 23-anyos na estudyante ng Far Eastern University makaraang tumangging ibigay ang kanyang 3210 na cellphone, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.

Hindi na umabot pang buhay ng isugod sa pagamutan ang biktimang si Edgar Allen Ferry, 23, ng Sun Valley Subd., Parañaque City makaraang magtamo ng isang tama ng bala ng baril sa dibdib.

Batay sa salaysay ng kaibigan ng biktima na nakilalang si Edward Paregrino na dakong ala- 1 ng madaling araw ng maganap ang insidente habang naglalakad sila sa kahabaan ng Iris St., Dahlia, Fairview nang masalubong nila ang dalawang suspect.

Bigla na lamang umanong binunot ng isa sa mga suspect ang dala nitong baril at tinutukan ang magkaibigan at inihayag ang holdap. Hindi naman nasindak ang biktimang si Ferry dahil sa akalang peke ang dalang baril ng mga suspect kaya’t tumanggi itong ibigay ang kanyang cellphone.

Dahil dito, pinaputukan ang biktima na naging dahilan ng kanyang kamatayan, habang mabilis namang nagsitakas ang dalawang suspect. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments