Kapangalan ng beauty queen kinulong na, ginulpi pa

"Kung sasama raw ako sa kanya sa motel ay hindi raw niya ako ikukulong."

Ito ang pahayag ng isang dalagang kapangalan ng naging beauty queen na si Evangeline Pascual, 20, nakatira sa Kahilum Dos, Pandacan, Manila na nahuli umano sa isang pot session.

Si Pascual na matapos mahuli ay hinimok ng isang PO3 Peter Gonzales na nakatalaga sa Station 10 na sumama sa kanya sa motel para maiwasan ang pagkakulong.

Gayunman, tumanggi ang dalaga kung kaya tinuluyan siyang ikulong ng pulis.

Sa piitan ay hindi pa natapos ang kalbaryo ng dalaga nang puntahan siya sa piitan ng pulis at saka pinagbubugbog at binantaang manahimik na lamang.

Dahil sa awa sa sarili at dahil na rin sa walang tumulong sa kanya ay naglaslas ng pulso si Pascual gamit ang isang matulis na bagay na nadampot nito sa kulungan.

Agad namang nabigyan ng kaukulang gamutan ang dalaga at nakaligtas ito sa tiyak na kapahamakan.

Sinabi ni Pascual na nagkukulay lamang siya ng buhok kasama ang dalawa niyang kaibigan ng pasukin ni Gonzales ang kanilang bahay at inakusahang gumagamit ng droga. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments