Dumulog sa tanggapan ni Supt. Walberto Mandin, hepe ng CPD, Station 10 ang biktimang si Arriane Paglinawan, 3rd year high school sa Ramon Magsaysay High School at residente ng GSIS Road Rosario, Pasig City.
Tadtad ng pasa sa ibat-ibang parte ng katawan ang biktima makaraang makatakas ito sa isinasagawang hazing ng naturang fraternity.
Binanggit pa nito na ang initiation rites ay isinagawa sa bahay ng mag-inang sina Estela at Andrian Velasco, sa Maryland St., Barangay Pinagkaisahan, Cubao, Quezon City na bahay rin umano ng isang pulis na nakatalaga sa warrant section ng CPD.
Kabilang din sa sasampahan ng reklamo sina Rina Ramos, 3rd year high school student, Lalaine Casubuan at Edraluz Bolo ng nabanggit ding paaralan.
Batay sa pahayag ng biktima, dakong alas- 3 ng hapon noong Lunes ng sunduin siya ni Bolo at siyam pang kasamahan nito at saka siya dinala sa pinagdausan ng initiation rite.
Nadatnan umano nila sa naturang bahay ng suspect na si Andrian ang 8 kalalakihan at dalawang babae na pawang nakapiring ang mata at pinagpapalo ng suspect na si Andrian na anak ng pulis.
Pagkaraan nito ay isinunod na siyang isalang sa hazing at halinhinang pinagpapalo ng tatlong suspect. Sa kabila umano ng kanyang pagmamakaawa ay hindi siya tinantanan ng mga ito at maging ang ina ng suspect ay sinabihan pa siyang "umaarte lamang".
Matapos ang initiation rites ay nagmadaling tumakas ang biktima at agad na nagtungo sa himpilan ng pulisya.
Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ng mga awtoridad ukol dito. (Ulat ni Jhay Mejias)