Barangay captain binoga ng pedicab driver, grabe

Isang 48-anyos na barangay chairman ang nasa kritikal na kondisyon matapos na barilin ng isang pedicab driver, kamakalawa ng gabi sa Binondo, Maynila.

Kasalukuyang nasa intensive care unit ng Medical Center Manila ang biktimang nakilalang si Justo dela Cruz, ng Barangay 275, Zone 25, Dist. III at residente ng 770 Delpan St., Binondo.

Batay sa ulat, dakong alas-10:45 ng gabi galing ang biktima kasama ang barangay tanod na si Fely Rabanal sa Requerdo at Berdadero St. sa Delpan nang makita nito ang suspect na si Eduardo Young, 31, pedicab driver na may hawak na patalim at tinatakot ang ilang kabataang lalaki na nahuli nitong naglalaro sa loob ng kanyang pedicab.

Sinita ng biktima ang suspect dahil sa pagdadala ng patalim.

Nagkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng biktima at suspect hanggang sa biglang umuwi ang huli at nang bumalik ay armado na ito ng isang kalibre.38 paltik.

Agad umanong itinutok at pinaputukan ng suspect ang biktima na tinamaan sa kaliwang bahagi ng katawan.

Tinangka pang salakayin ng suspect ang biktima nang dumating ang kagawad ng pulisya kaya napilitang barilin ito sa magkabilang hita. (Ulat nina Ellen Fernando at Andi Garcia)

Show comments