Operasyon ng Jai-alai haharangin ng simbahan

Bagaman sinasabing may pressure sa Malacañang kaya pinayagan na muling magbukas ang jai-alai, inihayag ng simbahang Katoliko na puwersahan nilang haharangin ang nakatakdang operasyon nito.

Nabatid sa Catholic Bishop Conference of the Phils. na pangungunahan ng Archidiocese of Cebu ang isasagawang pagkilos upang harangin ang muling pagbubukas ng jai-alai.

Nagkaisa umano ang mga lokal na opisyal at kaparian sa Cebu upang hadlangan ang pagbabalik ng jai-alai na dating pinapatakbo ng Philippine Gaming Corporation at Bell Corporation.

Hihilingin ni Monsignor Angelico Dacay ang suporta ng buong simbahan upang kuwestyunin ang desisyon ng Korte Suprema na payagang muling magbukas ang nasabing laro na pinangangambahan namang magiging simula ito upang magsulputan ang iba’t ibang uri ng illegal na sugal gaya ng bookies, number games at masiao na talamak naman sa Western Visayas at Mindanao. (Ulat ni Andi Garcia)

Show comments