14 anyos ginawang sex slave ng amain

Dinakip kahapon ng pulisya ang amaing welder ng isang 14-anyos na batang babae na nagpasasa at ginawa siyang "sex slave" sa loob ng tatlong taon nang hindi na nito nakayanan ang ginagawang panghahalay sa kanya ng huli sa San Andres Bukid, Maynila.

Kinilala ng suspect na si Oscar Solomon, 50, residente ng Concha St., San Andres Bukid, na nadakip ng mga tauhan ng Sta. Ana police station 6 sa kanyang pinagtatrabahuhang construction site.

Nabatid mula sa salaysay ng biktima na itinago sa pangalang Rizza, second year high school na una siyang ginahasa ng kanyang amain noong siya ay 11-anyos pa lamang.

Sinabi ni Rizza kay Western Police District-Women’s and Children’s Desk Section (WPD-WCD) Chief P/Supt. Araceli Hofelona na nagsimula ang kanyang kalbaryo sa malupit na kamay ng suspect sa tuwing wala sa kanilang bahay ang kanyang nanay.

Hawak ang isang mahabang itak na itinutok sa kanyang leeg, sinabi ng biktima na wala siyang magawa kundi ang ipagkaloob ang kanyang pagkababae sa stepfather.

Simula noon ay lagi na siyang pinagpaparausan nito na laging may kasamang pagbabanta at ang pinakahuli ay nitong nakaraang Agosto 23 bandang alas-12 ng gabi.

"Nawala na po ang aking takot dahil alam ko naman na hindi niya ako titigilan habang ako ay nabubuhay kaya’t lakas-loob na po akong nagtungo sa himpilan ng pulisya para mahinto na ang pambababoy niya sa akin," anang biktima. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments