Nang-insulto sa kapit-bahay na may toy gun binaril

Sa sobrang pikon ng isang lalaki sa pang-iinsulto ng kanyang kapitbahay dahil sa pagdadala nito ng 'toy gun', nagdala ito ng tunay na baril at saka ipinutok sa kanyang kapitbahay kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Namatay habang isinusugod sa East Avenue Medical Center ang biktima na si Raul Roli, 27, may-asawa at nakatira sa Kaibigan St., Batasan Hills, nasabing lungsod bunga ng isang tama ng punglo sa dibdib.

Pinaghahanap naman ng awtoridad ang suspek na si Bejie Valdez na tumakas matapos na isagawa ang krimen.

Base sa ulat, bandang alas-11 ng gabi nang asarin ng biktima ang suspek dahil sa nakasukbit sa bewang nito ang isang baril-barilan.

Lalo pa umanong napikon si Valdez kay Roli nang hablutin ng huli ang toy gun na nakasukbit sa bewang ng una at inihagis sa daan.

Sobrang galit ang nagbunsod sa suspek na patayin ang biktima dahil sa umano’y panghihiyang ginawa nito sa kanya.

Dahil dito, mabilis na umuwi ang suspek at kinuha ang nakatagong tunay na baril hanggang sa balikan nito ang biktima at walang sabi-sabing pinaputukan sa dibdib. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments