Sinabi ni Inspector Antonio Paulite, hepe ng Criminal Investigation Division (CID), na tinitingnan nila ngayon ang anggulong onsehan sa droga ang motibo sa naganap na pagpaslang sa biktimang nakilalang si Johnny Ulijan, 35, ng Concepcion St., Brgy. Santolan, Pasig.
Namatay ang suspect sa tapat mismo ng kanyang bahay sanhi ng isang tama ng bala sa kanyang mukha at isa sa kanyang leeg buhat sa hindi pa mabatid na kalibre ng baril.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pamamaril ganap na alas-12 ng madaling-araw sa harapan ng bahay ng biktima. Nabatid na bago naganap ang krimen ay ginising ang biktima ng sunud-sunod na katok buhat sa kanilang pintuan at nang buksan ito ni Ulijan ay sinalubong naman siya ng tatlong putok ng baril buhat sa mga suspect.
Mabilis na tumakas ang dalawang suspect matapos ang isinagawang pamamaslang sa biktima.
Sinabi ni Paulite na isa umano si Ulijan sa tinitiktikan ng pulisya dahil sa mga ulat na sangkot ito sa operasyon ng ilegal na droga.
Maaari umanong nagkaroon ng aberya sa operasyon na maaaring naging dahilan upang itumba ang biktima ng kanyang mga kasamahan sa sindikato.
Nagsasagawa pa ng malalim na imbestigasyon ang pulisya kaugnay sa naganap na pamamaslang. (Ulat ni Danilo Garcia)