Buntis binoga sa mukha, grabe

Dahil sa naantala lamang ng ilang araw sa pagbabayad sa bill ng kuryente, isang apat-na-buwang buntis ang binaril sa mukha ng kanyang kasera, kahapon ng umaga sa Parañaque City.

Patawirin ngayon at nilalapatan ng lunas sa Parañaque Medical Center ang biktimang ginang na nakilalang si Lourdes Erador, 25, ng Cayomito St., Mashville Village, Barangay B.F. ng nabanggit na lungsod bunga ng tinamong tama ng bala ng sumpak sa mukha.

Samantala, kaagad namang nakatakas ang suspect na nakilalang si Jesus Fontanilla, ng nabanggit ding lugar.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO3 Wilfredo Cornello, ng Parañaque Police naganap ang insidente dakong alas-8 kahapon ng umaga.

Napag-alaman na ang biktima ay nangungupahan sa bahay ng suspect na si Fontanilla. Ilang araw umanong naantala sa pagbabayad ng bill ng kuryente ang ginang kaya pinutulan ito ng suspect.

Kinompronta ni Erador ang kanyang kasera hanggang sa magkaroon ng mainitang pagtatalo. Napikon umano ang lalaki kaya’t kinuha ang kanyang sumpak at binaril sa mukha ang ginang.

Mabilis namang tumakas ang suspect matapos ang isinagawang pamamaril. (Ulat ni Lordetn Bonilla)

Show comments