Ito ang nilalaman ng liham ng paghingi ng dispensa ng nakababatang kapatid na babae ng nawawalang World Junior Gold Champion Tom Concon na si Ma. Ester o "Matet" kay Philippine National Police (PNP) Chief Director General Leandro Mendoza matapos nitong kaladkarin ang pangalan ng mga matataas na opisyal ng pulisya at ilang mga sikat na artista sa umanoy illegal na transaksyon ng droga sa loob mismo ng Camp Crame.
Sa kanyang tatlong-pahinang liham, nilinaw ni Matet na biktima umano siya ng maling interpretasyon at hindi niya direktang idinawit ang ilang mga opisyal ng PNP sa nasabing exposé laban sa mga ito.
"I personally would like to apologize to Chief PNP Gen. Mendoza for all the troubles that you have to go through," pahayag ni Matet sa nasabing liham.
Aniya, pinalaki lamang daw umano ng isang radio station ang kanyang panawagan na agad na mahanap ang nawawala niyang kapatid na si Tom at pag-apela na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay ng isa pa niyang kapatid na si John.
Si John ay inamin ni Matet noon na isang drug courier na kaibigang matalik ng anak ni Mendoza na si Jeck at madalas din umano itong magpunta sa Camp Crame kasama siya upang kumuha ng droga mula sa hindi pinangalanang ka-alyado sa hukbo.
Ang nasabing droga ay ide-deliver umano sa kanilang mga parukyano na karamihan ay artista.
Maliban kay Mendoza at sa anak nitong si Jeck ay nilinis din ni Matet si PNP Director for Operations, Director Edgar Aglipay sa anumang pagkakasangkot sa ilegal na aktibidad ni John noong ito ay nabubuhay pa.
Dahil sa pormal na pagbuwelta na ito ni Matet ay nawalan ng saksi laban sa umanoy "drug business" na nagaganap sa loob ng Camp Crame. (Ulat ni Joy Cantos)