Isang Memorandum of Agreement (MOA) ang pinirmahan kahapon ng NTC sa pamumuno ni Elizeo Rio at ng mga cell companies, sa pangunguna ng Smart at Globe Telecoms.
Dito napagkasunduan ang pagbuo ng isang monitoring device kung saan isusumbong ng mga may-ari ng cellphone na ninakaw upang i-block ang International Mobile Equipment Identification (IMEI) ng telepono.
Sinabi ni Rio na ang IMEI ay ang sikretong numero na nakalagay sa isang bahagi ng telepono na maaaring i-block ng mga cell companies.
Sa kabila nito, tinataya naman na 10 porsiyento lamang ng cellphone subscriber ang makikinabang dito dahil para lamang sa mga postpaid na mga cell owner ang serbisyo. Kasalukuyang hinahanapan naman umano ng solusyon ang pagbibigay ng ganitong serbisyo sa 90% ng mga subscriber na pawang mga prepaid.
Idinagdag pa ni Rio na tinatayang may 1,000 cellphone ang nananakaw sa Metro Manila at nagiging ugat pa ng mga krimen tulad ng pagpatay dahil sa napakadaling makabili ng kapalit na sim packs ng mga cell na hindi naba-block. (Ulat ni Danilo Garcia)