Kasabay nito, ipinalabas na rin kahapon ng pulisya ang cartographic sketch ng suspect na siyang huling nakita ng mga testigo na pumasok sa bahay ng biktima bago natagpuan kinabukasan ang labi nito.
Base sa paglalarawan sa salarin, ito ay tinatayang nasa gulang na 25 hanggang 30, may taas na 52 talampakan, kayumanggi, malaki ang pangangatawan at maiksi ang buhok.
Samantala, ang pabuyang P100,000 ay inilaan naman ni Mayor Malonzo makaraang magtungo sa kanyang tanggapan at humingi ng tulong para sa madaliang ikalulutas ng kaso si Vice Consul Shinichi Nara ng Japanese Embassy. Samantalang karagdagang P100,000 pa ay mula naman sa Japanese Embassy.
Magugunitang kamakalawa ng umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa loob ng kuwarto nito sa kanyang tinutuluyang bahay sa Block 1, Lot 2, LD Subdivision, Phase 12, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Lumabas sa isinasagawang imbestigasyon na noong nakalipas na Biyernes (Hulyo 13) nagkaroon ng mini-concert ang biktima sa isang hotel sa Makati kung saan malaking halaga umano ang kinita nito.
Malaki ang hinala ng pulisya na kilala ng biktima ang suspect na nakita pa ng mga testigo na pinapasok nito sa loob ng kanyang bahay.
Nakita rin sa ibabaw ng lamesa sa sala ng bahay ang dalawang baso na posibleng ginamit pa ng biktima at suspect bago naganap ang krimen. (Ulat ni Gemma Amargo)