Engineer na tutulog-tulog sa bus binoga

Dalawang tama ng bala ng baril sa batok ang tinamo ng isang 41-anyos na inhinyero matapos na barilin ng isang hindi nakikilalang lalaki na nainis sa una makaraang sandalan nito ang kasamang ‘chick’ ng huli sa loob ng isang pampasaherong bus, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.

Huling iniulat na nasa kritikal na kondisyon sa loob ng Victorino Reyes Memorial Hospital ang biktimang si Edwin Raper, ng 3754-C Bautista St., Palanan, Makati City.

Hindi naman nakilala ang lalaking suspect na agad na tumakas kasama ang hindi nakikilalang babae na nasandalan ng biktima.

Sa ulat ni PO3 Fernando Aguilan, naganap ang insidente dakong alas-9:10 ng gabi sa may Edsa-Ortigas fly-over sa lungsod na ito.

Sakay ng aircon bus ng HR Bus Lines buhat Quezon City at patungong Makati ang biktima kung saan katabi nito sa pantatluhang upuan ang suspect at ang kasama nitong babae.

Nabatid na lango sa alak ang biktima kaya ito nakatulog. At dahil sa matinding kalasingan ay makailang beses nitong nasandalan ang katabing babae.

Ilang ulit na rin itong sinaway ng suspect subalit patuloy pa rin sa pagtulog at pagsandal ang biktima.

Dahil dito, nagbunot ng baril ang suspect at pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lamang pinaputukan ang biktima.

Matapos ang pamamaril, mabilis na bumaba ng sasakyan ang suspect at iniwang duguan ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments