Ginang todas sa bayaw dahil sa lupa

Isang ginang ang pitong ulit na sinaksak hanggang sa mapatay ng kanyang bayaw dahil lang sa pagtatalo sa lupa kamakalawa ng gabi sa Makati City.

Binawian ng buhay habang ginagamot sa Makati Medical Center ang biktima na nakilalang si Teresita Laurente, 52, residente ng 103- A Agujo St., Bgy. Cembo dahil sa pitong saksak ng ice-pick sa ibat-ibang bahagi ng katawan.

Kasalukuyan namang tinutugis ng pulisya ang suspek na nakilalang si Ramon Laurente, 40, may-asawa, walang trabaho at nakatira sa nabanggit na lugar.

Sa pagsisiyasat ni PO3 Jovenal Barbosa, ng Homicide Section na ang insidente ay naganap dakong alas 7:00 ng gabi sa loob ng bahay ng biktima.

Nagkaroon umano ng pagtatalo ang biktima at ang bayaw nito ukol sa kinatitirikang bahay ng una na inaangkin ng huli na dapat siya ang magmay-ari.

Napipikon umano ang suspek sa biktima dahil hindi ito kasali sa usapin ng lupa kundi ang asawa nito.

Dahil hindi na umano makayanan ng suspek ang pagbubunganga ng biktima ay nagdilim umano ang paningin nito at nakahagilap ng ice pick at sinaksak ng maraming beses ang biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments