14 dayuhan miyembro ng international swindling syndicate, tiklo

Labing-apat na dayuhan ang dinakip kahapon ng mga kagawad ng Bureau of Immigration (BI) dahil sa pagkakasangkot ng mga ito sa isang international swindling syndicate.

Kinilala ni BI Commissioner Andrea Domingo ang mga suspect na sina William Patrick Canawan; Mark Patrick Edwards; Clifford James Predgen; James Arthur Predgen; Nicolas James Appleton; Suart Robert Rea; Louis Petrou Pahitis; Nichols Matthew Start; Tracy Michael Fisher; Elicia Lovesey Hebbs; pawang mga Briton; Daniel Newhouse; Jonathan Steven Farber; kapwa American citizen; Adam Cameron McGlashan, Australiano at ang Canadian citizen na si Robert David Walderman.

Ang mga nabanggit na dayuhan ay sinampahan ng kasong paglabag sa Philippine Immigration Act na isinulong ng NBI.

Nilinaw ni Domingo na hindi palalabasin ng bansa ang mga nabanggit na dayuhan hangga’t hindi ibinabasura ng Makati Regional Trial Court ang naturang kasong isinampa laban sa mga ito.

Aniya, ang mga nadakip ay miyembro ng isang napakalaking sindikato na nagsasagawa ng swindling operation at kumokolekta ng milyong dolyar sa pamamagitan ng isang brokerage firm na itinayo ng mga ito bilang panghikayat sa mga foreign investors.

"Kailangan silang makulong sa Bilibid Prison bago sila ipatapon sa kanilang pinagmulan," pahayag pa ni Domingo.

Ang mga dayuhan ay dinakip sa kanilang opisina sa 104 H. dela Costa St., Salcedo Village, Makati dahil na rin sa reklamo ng isang nabiktima nito. (Ulat ni Grace Amargo)

Show comments