Ito ang nabatid kay PO3 Juvenal Barbosa, may hawak ng naturang kontrobersiyal na kaso at nakatalaga sa Homicide Section ng Makati City Police.
Gayunman, sinabi ni Barbosa na ang pahayag na ito ng NBI experts ay hindi pa dokumentado kundi verbal claim pa lamang.
Nais umano ng NBI na gumawa sila ng pormal na pahayag hinggil sa ginawa nilang eksaminasyon sa mga inorder na pagkain ng mag-iinang Zabala sa nasabing fastfood chain.
Bukas pa umano ipalalabas ng NBI ang resulta ng ginawang eksaminasyon ng NBI sa mga naturang pagkain. Sa resultang ito ay matutukoy din kung anong uri ng lason ang nakamatay sa mga bata.
Sinabi naman ng imbestigador na kasunod nang pagpapalabas ng resultang ito ng NBI, kaagad nilang isasampa ang double count ng parricide at frustrated parricide laban kay Rosalinda na nakaligtas sa tangka nitong mass suicide.
Magugunitang sa naturang insidente, nasawi ang dalawang anak ni Rosalinda na sina Raul III, 7 at Ramon Robert, 11. Habang nakaratay pa rin sa pagamutan ang isa pang anak na si Richard Dean, 8. (Ulat ni Lordeth Bonilla)