Manager ng Max's restaurant tinodas

Namatay habang nilalapatan ng lunas ang isang account manager ng Max’s restaurant matapos itong tambangan ng nag-iisang lalaki habang pasakay sa kanyang sasakyan kamakalawa ng hapon sa Parañaque City.

Ang biktima ay nakilalang si Edgardo Guiao, 45, residente ng Amoranto Compound, Muzon, Taytay, Rizal dahil sa tinamong tama ng bala ng baril.

Sa imbestigasyon ng pulisya, ang insidente ay naganap dakong ala 1:00 ng hapon sa may Sucat Road ng nabanggit na lunsod.

Nabatid na sinamahan ng biktima ang kanyang mga tauhan na magdeposito sa bangko at pagkatapos ay kumain sa Mc Donald.

Matapos na kumain at papasakay na sa kanilang sasakyan ay lumapit ang nag-iisang suspek at walang sabi-sabing pinaputukan ito.

Agad na tumakas ang suspek habang ang biktima ay isinugod ng kanyang mga kasamahan sa pagamutan subalit namatay din ito.

Patuloy ang pagsisiyasat ng pulisya kung ano ang motibo ng suspek sa pagpatay sa biktima. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments