Kinilala ng pulisya ang nagpakamatay na si Ke Tin Yang, binata, estudyante, tubong Fujian, China at pansamantalang nanunuluyan sa #1514 Modesto 2 Santiago St., Sampaloc, Manila.
Pawang nilalapatan naman ng lunas sa Metropolitan General Hospital ang mga nasugatang sina SPO2 Jesus Camacho, 45, may asawa, nakatalaga sa District Police Intelligence Unit ng WPD, ng B4 L7 #1-A Adelina Village, San Pedro, Laguna; at Miguel Go, 33, may asawa, Chinese national, machine operator ng #100 Industrial St., Road 2, Araneta Ave., Malabon City.
Sa inisyal na pagsisiyasat ni SPO1 David Tuazon ng WPD-Homicide Division, bandang alas-2:30 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Top Royal KTV Music Lounge sa 600 Tomas Mapua St., Sta. Cruz.
Ayon sa ilang saksi, isang grupo umano ng Intsik ang lumabas sa nasabing music lounge at nagkakagulo umano dahil may pinagtatalunang isang bagay subalit tumigil din matapos na ilan sa kanila ang pumagitna at umawat.
Ilang minuto ang nakalipas ay nakita na lamang na may hawak si Ke Tin ng isang HK compact 9mm pistol (SN 27-000522) at walang habas umanong nagpaputok.
Nasa malapit na lugar naman si SPO2 Camacho na naghihintay umano sa kanyang kaibigan at nakita ang pagpapaputok ng baril ni Ke Tin kaya agad umanong rumesponde at nag-warning shot.
Dito ay narinig na ang sunud-sunod na putok ng mga residente sa nasabing lugar at nang matigil ay nasugatan ang nasabing pulis at isang Intsik habang si Ke Tin umano ay tumakbo patakas.
Agad namang rumesponde si SPO4 Rizalino Morales, 42, may asawa, nakatalaga sa Gandara Task Force Ongpin sa WPD-Station 11 at namataan nito si Ke Tin sa may Ongpin St.
Nakarating naman sa kaalaman ng mga operatiba ng Police Community Precinct sa Juan Luna sa pamumuno ni C/Insp. Marcelino Pedrozo ang pangyayari at agad naman silang tumulong sa pagtugis kay Ke Tin na nakitang sumakay sa berdeng Mitsubishi Lancer (ARA-101) na nakaparke sa downtown parking area sa Sacatero St., Binondo.
Agad umanong nagpakilala ang mga pulis kay Ke Tin at inutusan na sumuko. Gayunman, nakita umano ng mga pulis na itinutok ng biktima ang dalang baril sa kanyang kanang sentido at saka ipinutok. (Ulat ni Ellen Fernando)