Engineer natagpuang patay

Isang masusing imbestigasyon ang isinasagawa ngayon ng mga tauhan ng Western Police District Homicide Section kaugnay sa pagkasawi ng isang Civil Engineer sa loob ng kanyang tinutuluyang bahay sa Sta. Mesa, Maynila, kamakalawa ng gabi.

Base sa report ng pulisya, nakilala ang biktima na si Leoginildo Castro,27, ng 2339-F San Anton, Sta. Mesa, Maynila. Siya ay nakitaan ng mga malalalim na sugat sa kanyang magkabilang kili-kili at likurang bahagi ng kanyang katawan.

Habang sinusulat ang ulat na ito, wala namang maibigay na impormasyon ang ilang kalapitbahay ng biktima kaugnay sa misteryosong pagkamatay nito.

Nabatid na posibleng sa pagitan ng araw ng Linggo o Lunes pinaslang ang biktima dahil sa naaagnas na ito nang matagpuan dakong alas-11 ng gabi.

Si Castro ay naiwan umanong mag-isa sa kanyang bahay makaraang magbakasyon ang kanyang kaanak sa probinsiya.

Nadiskubre na lamang ang bangkay nito nang maamoy ang masangsang nitong bangkay .

Inaalam pa ng pulisya kung sino ang posibleng gumawa ng naturang krimen at kung ano ang posibleng motibo nito. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments