Kinilala ni Atty. Lina Molina, ang bagong hirang na Deputy Collector ng Arrival Passengers Services sa premier airport, ang suspect na si Rodolfo Vicente, 52, nagsisilbing flight parcel ng PAL na nakatalaga sa NAIA.
Ayon kay Molina, dakong ala-1:30 ng hapon nang dumating si Vicente sa bansa lulan ng PAL flight PR-502 mula sa Singapore.
Sa pagsisiyasat na isinagawa ni Customs Sector Commander Mariano Biteng, kasalukuyang papalapit si Vicente sa Customs lane nang maghinala ito sa hindi pangkaraniwang ikinikilos ng suspect.
"Paika-ika at parang nahihirapang maglakad ang pasahero na makikita mong namumutla," ani Biteng.
Bunsod ng hinalang may nilalamang kontrabando ang bagahe ni Vicente, hiniling ni Biteng kina Customs Examiner Baldwin Budiongan at Customs Appraiser Lenny dela Roca na ipasailalim sa masusing pagsusuri ang mga ito.
Namangha ang mga awtoridad nang buksan ang flight bag nito at tumambad sa kanilang paningin ang 9 na bundles na naglalaman ng solid gold jewelry, habang nakuha namang nakatago sa katawan nito ang 7 pang bundles ng mga gintong alahas.
Tinatayang nagkakahalaga ng P50 milyon ang mga nasamsam na iba’t ibang uri ng gintong alahas mula sa suspect na tinangkang ipuslit palabas ng NAIA Centennial Terminal 2.
Nabatid pa na si Vicente ay pinaniniwalaang isa lamang sa maraming upahang "courier" ng big-time jewelry syndicate na naatasang magpuslit ng multi-milyong halaga ng highly-taxable items. (Ulat ni Butch Quejada)