Base sa reklamo ng mga guro, hiniling ng mga ito na ilipat na sa ibang paaralan ang kanilang punong-guro na si Lazaro Gervacio IV dahilan sa umano’y madalas nitong panghihiya sa kanila sa harap ng mga tao na labis na nakakasira sa kanilang pagkatao.
Ayon sa may 70 guro na nagrali sa harap ng tanggapan ni District School Supt. Elizabeth Manalo, hindi na umano nila matagalan ang masamang pag-uugali ng nasabing prinsipal.
Sinabi ni Mario Serrano, isa sa nagrereklamong guro na madalas din umano nilang maringgan ng hindi magagandang pananalita si Gervacio tulad ng lagi nitong sinasabi na "masunog na sana ang naturang paaralan para hindi na kayo (mga guro ) lumamon, tutal ako kahit wala itong paaralang ito siguradong susuweldo ako ".
Kaugnay nito, magsasagawa naman ng masusing imbestigasyon ang tanggapan ni Manalo upang alamin kung may katotohanan ang sumbong ng naturang mga guro laban sa kanilang prinsipal. (Ulat ni Gemma Amargo)