Namatay bago pa man dumating sa Phil. General Hospital ang biktimang si Elvis Visaya, binata ng Kahilum St., Interior 27, Pandacan bunga ng maraming saksak na tinamo sa katawan at malalalim na sugat mula sa matitigas na bagay na ipinalo sa ulo nito.
Ayon sa ulat, dakong ala-1:30 ng madaling-araw ng maganap ang insidente sa kahabaan ng Laborers St. sa Pandacan.
Nabatid sa pulisya na naimbitahan ng kanyang kaibigan ang biktima na mag-ayos ng kanyang ‘sound system’ para sa isasagawang pagdiriwang ng kanyang kaarawan.
Matapos ang isinagawang pagdiriwang, nagpaalam ng umuwi ang biktima, ngunit habang naglalakad ito sa isang madilin na lugar ay nakita nitong nagsisitakbo buhat sa kanyang likuran ang isang grupo ng mga kalalakihan na tila siya ang hinahabol.
Dahil sa naalarma ay tumakbo na rin ito.
Naabutan din ng may 20 kalalakihan ang biktima at walang sabi-sabing pinupog ng mga ito ang biktima. Saksak at gulpi ang tinamo nito bago tuluyang nilubayan ng taumbayan.
Matapos bumagsak sa kalye ang biktima ay nagkanya-kanya na nang takas ang mga suspect.
Ayon pa sa ulat, bago naganap ang pagbugbog at pagsaksak sa biktima, isang hindi nakikilalang lalaki ang nagpaputok ng baril na ikinagalit ng mga residente.
Malaki ang hinala ng pulisya na ‘mistaken identity’ lamang ang naganap at napagkamalan na ang biktima ang siyang nagpaputok ng baril sa naturang lugar. (Ulat ni Ellen Fernando)