Namatay noon din ang biktimang si Virgilio Bordeos Sr., ng #7 St. Louis St., Xavierville, Mindanao Avenue, Quezon City, dahil sa isang tama ng bala sa ulo at dalawa sa katawan.
Hindi naman nakilala ang tatlong suspect na tumakas lulan ng isang motorsiklong walang plaka, dala ang isang attache case na kinulimbat sa biktima.
Sa ulat ni Insp. Antonio Paulite II, ng Criminal Investigation Division (CID), naganap ang insidente dakong alas-12:30 ng tanghali sa may Shell gas station sa Marcos Highway, Barangay Santolan, Pasig City.
Masayang nagkukuwentuhan sa loob ng opisina sa may Shell Select convenience store ang biktima kasama ang kanyang anak na si Virgilio, Jr. nang biglang pumasok ang dalawa sa tatlong suspect at agad na tinutukan ang mga empleyado nito.
Pinasok ng isa sa suspect ang opisina ni Bordeos at tinutukan ang mag-ama gamit ang isang kalibre.38 baril. Mabilis na hinablot umano ng suspect ang isang attache case sa ibabaw ng lamesa ng biktima.
Kumuha naman ng tiyempo ang biktima at tinangkang dakmain ang baril ng suspect subalit nabigo ito kaya tatlong beses siyang pinagbabaril ng suspect.
Mabilis na tumakas ang mga suspect patungong Antipolo City.
Ayon kay Paulite, planado umano ang naturang panghoholdap dahil sa nakita umano ng ilang kalalakihan na aalialigid sa naturang gas station kamakalawa pa ang mga suspects. Dagdag pa dito na tanging ang attache case lamang ang tinangay ng mga suspect at hindi na pinakialaman pa ang pera sa kaha ng convenience store at gasolinahan.
Inaalam pa ng pulisya kung ano ang laman ng naturang attache case dahil sa ayaw pang magsalita ng mga kamag-anak ng biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)