Kawani ng GSIS niratrat sa harap ng bahay

Niratrat hanggang sa mapatay ng dalawang armadong lalaki na nakasuot ng fatigue ang isang kawani ng Government Service Insurance System(GSIS) habang ito ay may inaayos sa harap ng kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Valenzuela City.

Dead on the spot sanhi ng tama ng bala ng armalite at kalibre .45 sa katawan ang biktimang si Brando Esperancilla. 44, ng 798 Coloong I ng nasabing lunsod.

Base sa imbestigasyon na dakong alas 7:30 ng gabi ay kinukumpuni ng biktima ang fishing net ng kanyang maliit na aquarium sa harap ng kanyang bahay.

Habang abala ito sa pag-aayos ay sumulpot ang isang suspek at agad na ito ay binaril ng kalibre .45 sa katawan.

Nang humandusay na ito sa semento ay sumulpot ang isa pang suspek at pinagbabaril naman ng armalite ang biktima.

Patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang motibo ng pamamaslang habang inaalam kung sino ang mga suspek. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments