Maagang resulta: 'SB' napalaki ng lamang

Bagaman hindi pa opisyal, lamang na ng malaki si Speaker Sonny "SB" Belmonte para sa pagka-alkalde ng Quezon City na natala kahapon ng alas-11:00 ng umaga at inaasahang mapananatili pa ni SB ang kanyang lamang na 53.77% ng boto.

Ngunit hindi nagiging kampante si Belmonte. Aniya, "Hindi pa tapos ang laban. Kailangan pa nating magbantay ng canvassing ng mga election returns na pupunta sa Quezon City Hall. Ngunit umaasa ako na matutugunan na sa wakas ang pangarap ng mga residente para sa good and clean governance."

Habang isinusulat ang balitang ito may 63 ballot boxes mula sa Novaliches area ang hindi pa nabibilang ng city treasurer bago pasimulan ang opisyal na canvassing.

"Sana’y makarating agad ang mga ito sa City Hall, upang walang milagrong mangyari na laban sa kagustuhan ng taumbayan," ani Belmonte. Kasabay nito, nagpasalamat si Belmonte sa lahat ng tao at grupong tumulong at bumoto sa kanya base sa kanilang pagtitiwala sa kanyang mga plataporma.

Base sa opisyal na kopya ng election returns mula sa Comelec na ibinigay kahapon ng umaga, nakakuha si Belmonte ng 142,783 o 53.77% laban sa 92,169 o 34.71% sa kalaban nitong si Rudy Fernandez habang si Rep. Dante Liban ay nasa ikatlong posisyon sa botong 28,581 o 10.76%.

Sa pagka-bise alkalde, nangunguna si Herbert Bautista na may unofficial total votes na 160,196 o 62.12%, kasunod si Connie Angeles, katambal ni Belmonte na nakakuha ng 95,699 o 37.11 %. Nakakuha naman ang katambal ni Liban ng 1,260 o 0.49%.

Nagtiwala si Belmonte na mapapanatili nito ang kanyang malaking lamang at ngayon ay nagpapasalamat na ito sa iba’t ibang grupo na sumuporta sa kanya.

Show comments