Sinabi ni Insp. Florante Jose, hepe ng follow-up section na malaki ang kanilang hinala na may kinalaman sa eleksyon ngayong araw na ito ang pagkalat ng mga pekeng P 50.00 na nakalakip sa mga leaflets nina Erwin Binay at Ferdinand Eusebio na kapwa kandidatong konsehal .
Ayon sa mga nakatanggap ng pekeng pera na sina Rolando Ortiz, 50; Jose Sales, 35 at Alejandro Husgaya, 55 na pawang residente ng Metropolitan Avenue, Bgy. La Paz na dakong alas 4:00 ng madaling araw habang sila ay nagtitinda ay huminto sa kanilang harapan ang isang taxi.
Inihagis sa kanilang harapan ang mga leaflets nina Binay at Eusebio na may kalakip na pera.
Natuwa sila dahil nabigyan agad sila ng biyaya, subalit ng kanilang suriin napag-alaman nilang peke ito kaya naman agad nila itong ipinagbigay alam sa pulisya.
Nabatid na may kumakalat ding pekeng pera sa Bgy. Bangkal at Valenzuela na nagmula sa nasabing kandidato.
Ayon naman kina Binay at Eusebio na hindi sa kanila galing ang mga nasabing pekeng pera at hinala nila na ito ay kagagawan ng kanilang kalaban. (Ulat ni Lordeth Bonilla)