Ayon kay AFP Spokesman, Brig. Gen Edilberto Adan, ilang araw matapos na magdeklara ng state of rebellion si Pangulong Arroyo ay nagbalik na sa normal ang sitwasyon sa Metro Manila at hindi na kinakailangan ang malaking bilang ng mga sundalong itinalaga para mangalaga sa seguridad.
Sinabi ni Adan na sa ilalim ng blue alert status, nangangahulugan umano ito nang pagbabawas ng tropa ng pamahalaan na ikinalat sa buong Metro Manila. Ito rin umano ay bilang paghahanda sa pormal na pag-aalis sa Lunes ng idineklarang state of rebellion ng Malacañang.
"Konting bilang na lang ng mga sundalo ang maiiwan sa General Headquarters, yung iba dahil sa blue alert na ay pababalikin na sa mga camps kung saan sila nanggaling," dagdag pa ni Adan.
Samantala, sa isa pang ulat, hindi pa rin panatag ang loob ng mga opisyal sa Maynila, sa kabila ng pagiging pormal ng sitwasyon sa naturang lungsod. Nananatiling nakaalerto ang puwersa ng pulisya para matiyak ang seguridad, partikular na sa paligid ng Malacañang.
Nabatid na nakakalat pa rin sa mga kalsada ng Mendiola, JP Laurel at Nagtahan area ang mga tauhan ng pulisya at militar sa layuning mapigilan ang anumang muling pagtatangkang paglusob sa Malacañang. (Ulat nina Joy Cantos at Grace Amargo)