Sinabi ni Sr. Supt. Nicolas de Yro Pasinos Jr., Director ng Western Police District na nakatanggap na sila ng report hinggil sa mga tumangay sa dalawang biktima na sina Judith Chan, 30, British national, tubong Hong Kong at Benedict Leong, 40, isang Singaporean at naninirahan sa #17 Barreto st., Frexas, Phase 6, BF Homes, Parañaque.
Ayon kay Pasinos, nakontak nila sa tirahan ni Leong ang isa sa mga kaanak ng asawa ng huli na si Evelyn de Leon at dito napag-alaman ng pulisya na tumawag ang mga suspek para sa ransom.
Sinabi ni de Leon sa awtoridad na magkasunod na tumawag ang di-kilalang caller na hinihinalang kabilang sa mga kumidnap sa dalawang biktima kamakalawa ng bandang alas-7 ng umaga at alas-2 ng hapon at dito nakipagnegosasyon ang mga kidnaper sa hinihinging P150 milyong ransom.
Nakipag-set naman ang mga suspek ng alas-8 ng umaga kahapon sa mga kaanak ng mga biktima kung saan dadalhin ang naturang salapi.
Kahapon ay hinihintay pa rin ang muling pagtawag ng mga kidnappers para sa pagpapalitan ng ransom money at mga biktima.
Kaugnay nito, narekober ng mga pulis-Maynila sa lugar kung saan kinidnap ang mga biktima ang isang bag na may markang firestone na naglalaman ng isang policeman oversea cap, deformed flashlight na kulay pula, isang gauge bandage, dalawang blank cassette tapes, isang nakahandang liham na warning sa mga kamag-anak ng biktima na huwag magre-report sa pulisya, isang PNP-NCR Command patch, isang roll ng masking tape at isang kahon ng band aide na hinihinalang gamit ng mga suspek. Ang nasabing bag ay naiwan ng isa sa mga kidnaper sa nasabing lugar.
Napag-alaman na ang plakang WHD-980 ng sasakyang Mitsubishi Frontier na get-away vehicle ng mga suspek ay pag-aari ng isang Reynaldo Cuneta Jr. ng Taguig, Metro Manila. Ang nasabing plaka ay nakarehistro sa isang Besta van 99 model. Nakatakdang ipatawag si Cuneta para imbestigahan.
Sasailalim sa Polygraph test ngayong umaga si Herman Cura, nakatakas na driver ng dalawang biktima sa National Bureau of Investigation habang nagsasagawa ng cartographic sketch ang pulisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek. (Ulat ni Ellen Fernando)