Police Chief na loyal kay Erap sinibak

Kasabay ng pamamaalam ng itinuturing niyang pinagkakautangan ng loob na sina dating Pangulong Estrada at San Juan Mayor Jinggoy Estrada, tuluyan na ring nilisan ng hepe ng San Juan police ang kanyang puwesto makaraang matanggap ang inaasahan niyang relieve order matapos ang tatlong taong panunungkulan dito.

Ayon kay Supt. Gilbert Cruz, inaasahan na niyang malalagay siya sa "floating status" matapos na tuluyang arestuhin at ikulong ang mag-amang Estrada.

Papalitan si Cruz ni PNP spokesman Supt. Rodrigo de Gracia.

Naging kahuli-hulihang trabaho ni Cruz sa San Juan ang pagiging isa sa mga negosyador sa maayos na pagsuko ng mag-amang Estrada sa loob ng bahay ng mga ito sa #1 Polk st., North Greenhills subd.

Unang nanungkulan kay Erap si Cruz sa ilalim ng Presidential Anti-Crime Commission (PACC) noong Bise Presidente pa ito. Matapos mahalal na Pangulo, agad itong inilagay sa San Juan bilang hepe ng pulisya at itinuring nang "overstaying" ang kanyang matagal na pag-upo dito.

Plano naman ni C/Supt. George Alino, Eastern Police District director, na ilagay si Cruz sa kanyang mga staff at italaga sa district headquarters. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments