Ayon sa source sa CPD, may umamin na umano na may kinalaman si Supt. Jolly Dizon, CPD-Station 6 chief, sa pagdukot at pagpaslang sa mga biktimang sina Kenny Wong Azania, 16, honor student ng New Era High School at Ronaldo Potanes, 18, ng Bagong Silang, Caloocan City at isang hindi nakilalang lalaki na nasa pagitan ng edad 18-22.
Napadali ang paglutas sa kaso ng karumal-dumal na pagpatay sa 3 kabataan makaraang lumutang sa National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang testigo na sina Jerry Franco, isang pipi at Renato Ticson saka itinurong sangkot sa pagdukot at pagpatay sa mga biktima sina PO3 Mario Morales at PO2 Dennis Blasco.
Sinabi ni Sr. Supt. Rodolfo Tor, CPD director, kusang sumuko si PO3 Morales sa kanyang tanggapan kamakalawa ng gabi at pinabulaanan nito na may kinalaman siya sa pagpaslang sa 3 kabataan subalit positibong kinilala naman siya ng mga saksi na mismong dumukot at pumatay sa mga biktima.
Nagtatago pa rin hanggang sa kasalukuyan si PO2 Blasco habang ang unang isinangkot pa ring pulis na si SPO1 Rodrigo Llabres ay pinalaya ng pulisya makaraang hindi ito maituro ng mga saksi.
Magugunita na ang mga biktima ay dinukot dahil sa pinaghihinalaang mga miyembro ng agaw-cellphone gang hanggang sa matagpuan na lamang itong mga patay at walang ulo na nakasilid sa sako nitong nakaraang linggo sa kahabaan ng Mindanao Ave. malapit sa Cresta Verde Subdivision, Sta. Monica, Novaliches, QC.
Napag-alaman na isang mapagkakatiwalaang source sa CPD ang nagsabing direktang isinasangkot si Supt. Dizon na may kinalaman sa pagdukot at pagpatay sa mga biktima na inakalang mga miyembro ng agaw-cellphone gang.
Karamihan umano ng nagiging biktima ng agaw-cellphone ay pawang mga miyembro ng Iglesia ni Cristo habang ang hepe ng Station 6 at ang mga pulis na isinangkot sa brutal na pagpaslang sa 3 kabataan ay pawang mga miyemro rin ng INC.
Samantala, kinasuhan na ng pulisya kahapon ng kasong double murder sina PO3 Morales at PO2 Blasco at attempted murder dahil sa bigong pagpatay kay Franco.
Bagamat pipi ay naisalaysay pa rin ni Franco sa pamamagitan ng mga senyas na dinukot din umano siya ng tatlong suspek habang natutulog sa ilalim ng Tandang Sora flyover. Dinala umano siya sa isang maliit na bahay kung saan nakasama niya ang mga biktima.
Nasaksihan rin umano ni Franco kung paanong hinasa ang patalim na ginamit para pugutan ng ulo ang mga kabataan. Nakita naman ni Ticson nang isakay ni Morales ang dalawa pang bangkay sa sasakyan.
Sinasabing may kinalaman sa droga ang pagpaslang sa tatlong kabataan. (Ulat ni Rudy Andal)