2 Koreana nagkatuwaan, nag-shoplift sa Megamall

Dalawang dalagitang Koreana ang umano’y nagkatuwaan at nang-umit ng lipstick at make-up kit sa SM Megamall department store, kamakalawa ng gabi sa Mandaluyong City.

Dahil sa pagiging menor-de-edad, itinago ang pangalan ng mga suspek na sina Lei Lee, 15, kasalukuyang naninirahan sa 4C-252 Meralco Avenue, Pasig City at Tin Sung, 15, ng A-10 Case Verde, Pasig City.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-9 ng gabi sa loob ng cosmetics section ng Megamall nang magpalibot-libot ang dalawa sa naturang mall at kumuha ng ilang piraso ng lipstick at make-up.

Dahil sa wala naman sa hitsura ng mga ito ang maging shoplifter, hindi na lamang pinansin ng mga guwardiya ng makitang isinilid sa bulsa nila ang mga gamit sa pag-aakalang babayaran naman ng mga ito.

Naghinala na lamang ang mga sekyu nang imbes na dumiretso ang mga suspek sa cashier counter, magkahiwalay na lumabas ang dalawa na nagpapatay-malisya. Sinundan sila ng guwardiyang sina Henry Almonte at Lebedico Madrid at kinompronta ng aktong papalabas na ng department store.

Sa pulisya, sinabi ng mga dalagita na nagkatuwaan lamang umano sila kaya nila nagawa ang pang-uumit.

Ang naturang mga gamit ay nagkakahalaga ng mahigit P1,000. Nakatakda naman silang palayain matapos mangako ang kanilang mga magulang na babayaran ang nakuhang mga pampaganda. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments