Di mabigyan ng anak ni misis, mister ni-rape ang hipag

Dahil sa hindi umano siya mabigyan ng anak ng kanyang misis, nagawang gahasain ng isang 25-anyos na mister ang kanyang hipag kahapon ng madaling-araw sa Makati City.

Pinaghahanap ngayon ng pulisya ang suspek na si Alberto de Guzman, 25, driver ng #9651 Luzon st., Kalayaan Avenue, Bgy. Petugo, ng nabanggit na lungsod.

Samantala, ang biktima ay itinago sa pangalang Josephine, 21, dalaga, nakatira sa nabanggit na lugar.

Base sa naging reklamo ng biktima sa Women’s and Children’s Desk Unit, Makati City Police, naganap ang insidente dakong alas-3 kahapon ng madaling-araw sa nabanggit na lugar.

Habang mahimbing na natutulog ang biktima, bigla umano itong pinasok sa loob ng kanyang kuwarto ng suspek at tinutukan ng patalim kaya’t naisakatuparan ng lalaki ang panggagahasa sa kanyang hipag, habang ang misis nito na hindi na binanggit ang pangalan ay natutulog sa kabilang kuwarto at hindi namalayan ang ginawa ng mister sa kanyang kapatid.

Napag-alaman na matagal na umanong nagsasama ang suspek at ang kanyang misis na kapatid ng biktima, subalit hindi umano ito nabibigyan ng anak.

Dahil sa nais na umanong magkaanak ng suspek, nagbakasakali ito na ibang babae ang makapagbibigay umano sa kanya ng supling kaya’t pinagsamantalahan nito ang hipag.

Mabilis namang nagtungo sa himpilan ng Makati City Police ang naturang dalaga upang ipagharap ng kasong rape ang bayaw na si de Guzman. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments