Sinabi kahapon ni Supt. John Sosito, hepe ng Pasig police, na nag-report na sa kanya ang mga kinasuhan na sina P/Insp. Henry Azuela; mga kasama niyang sina SPO2 Ramon Dumon, PO1 Bedo Montefalcon at PO1 Janel Sabo, pawang mga nakatalaga sa Pasig Police Drug Enforcement Unit (DEU).
Tahasang itinanggi ng mga naturang pulis sa kanya ang mga akusasyon sa kanila ng hinihinalang drug pusher na si Nestonio Santos, alyas Etong Kaliskis, 47, ng #13-B Mamerto District, Bgy. Rosario, Pasig City. Sinampahan sila nito ng mga kasong Violation of Domicile Law, illegal search, illegal arrest, robbery at robbery with extortion.
Sinabi naman ni Sosito na hindi niya kukunsintihin ang kanyang mga tauhan at itutuloy nila ang pagsasampa ng kaso laban sa apat sa piskalya ng korte. Bahala na umano ang korte sa kahihinatnan ng kaso ng apat na pulis. Gayunman, hindi na muli pang bumalik si Santos upang makuhanan pa ng pahayag at hindi na malinaw kung itutuloy nito ang isinampa niyang kaso.
Kasalukuyan naman inilagay sa imbestigasyon ni Sosito ang apat na pulis upang mabatid ang katotohanan ng akusasyon laban sa kanila. (Ulat ni Danilo Garcia)