Nadakip si Edwin So, 33, corporate secretary ng EURO Computer na nasa 700-A Banawe st., Quezon City matapos humingi ng tulong sa NBI ang isang Chuck Lin, vice president ng SAMPO Technology (Phils), Inc., isang Taiwanese firm na may sangay sa Clark Field Economic Zone sa Pampanga.
Ayon kay Lin, umaabot sa 710 computer colored monitor products na nagkakahalaga ng P6,000 na may brand name na SAMPO.NTC, V7 at SYLVANIA na dinadala sa United States at Germany ang nawala at nahuhuwad ang orihinal na brand name nito ng isang malaking sindikato sa magkakahiwalay na pagkakataon noong Oktubre 7, 2000 at Enero 31, 2001.
Nadiskubre ang pagkawala ng mga unit ng buksan ng mga consignees ang container vans at malaman na napalitan ng mga hollow blocks ang mga computer monitors.
Sa imbestigasyon ni NBI-Anti Organized Crime Division na pinamumunuan ni Atty. Samuel Fiji, si So ay nagbenta ng may 36 units ng SYLVANIA-19 inches computered monitors na nagkakahalaga ng P6,000 kada unit sa Tactical Zone, isang computer gaming station na nasa #289 G. Araneta Ave., QC.
Nang suriin ang mga units ay tumutugma ito sa mga serial numbers ng nawawalang computer monitors noong Oktubre 7, nakalipas na taon. (Ulat ni Ellen Fernando)