Iniharap sa mga mamamahayag kahapon ni NBI Deputy Director Carlos Caabay ang mga suspek na midwife na sina Jenny Demotica, 32, tubong Victoria, Tarlac, ng Blk. 29 Lot 30, Taguig Housing, Taguig; Elma Escuetas, 40, tubong Pili, Camarines Sur, ng Lot 21 Kamias st., Las Piñas City; Gloria Agustin, 58, ng 133 Boni Serrano, Murphy, Cubao, QC; nurse na si Susan Espino, 33, tubong Victoria, Tarlac, stay-in sa klinika na dinadausan ng paglalaglag ng sanggol na matatagpuan sa #16 18th Avenue, Cubao, QC at isang pasyente ng abortion na si Donalyn Santiago, 24, at naninirahan sa San Roque, Guagua, Pampanga.
Tinutugis na ang umano’y pinaka-amo ng mga nadakip na midwife at nurse na nakilalang si Dr. Amelia Maranon, ng nabanggit ding lugar.
Isinagawa ng NBI ang pagsalakay sa nasabing klinika na pag-aari ni Maranon matapos na makatanggap ng impormasyon ang ahensya kaugnay sa malawakang pagsasagawa nito ng abortion.
Isang buntis na undercover agent ng NBI ang nagkunwaring magpapa-abort sa suspek na si Escuetas at matapos magkasundo ang dalawa sa presyo na P3,000 ay itinakda ang araw ng kanyang operasyon.
Dahil dito, agad na nagpalabas ng search warrant si Judge Antonio Eugenio Jr., acting presiding judge ng Manila RTC para sa entrapment proceedings laban sa mga suspek.
Habang iniaabot ng nagpanggap na pasyente kay Escuetas ang nasabing halaga ng salapi ay dito na inaresto ng grupo ni Atty. Max Salvador ng NBI-Special Task Force ang suspek hanggang sa sunud-sunod na maaresto ang iba pa sa isinagawang follow-up operation.
Samantala, ang pasyente na si Donalyn Santiago ay kasalukuyang nakahiga pa sa kama ng klinika nang arestuhin ng NBI agents. Nabatid na katatapos lamang i-abort ang tatlong buwan nitong ipinagbubuntis.
Wala sa nasabing klinika si Dra. Maranon nang isagawa ang pagsalakay. Nakuha sa klinika ni Maranon ang maraming instrumento na ginagamit ng mga suspek sa pag-aabort. Ang mga suspek ay sinampahan na ng kasong intentional abortion o paglabag sa Article 256 at ang Art. 259 (Abortion Practices by Physician or Midwife and Dispensing of Abortives) ng revised Penal Code. (Ulat ni Ellen Fernando)