Misis na bungangera sinamurai ni mister

Isang nagger na misis ang sinamurai ng kanyang mister na nairita sa umano’y walang tigil na paninita ng una sa madalas na paglalasing ng huli, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Nasa kritikal na kondisyon sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Lucita Agustin, 60, ng #22 Chico st., Bgy. Sauyo, Novaliches, QC sanhi ng mga taga sa leeg, mukha, magkabilang braso at sa katawan.

Agad namang naaresto ng mga tauhan ng Central Police District station 4 ang suspek na si Felix Bernoy, 44, mister ng biktima na nakatakdang kasuhan.

Ayon kay Supt. Paterno Hernandez, hepe ng CPD station 4, naganap ang insidente sa bahay ng mag-asawa dakong alas-10 kamakalawa ng gabi ng umuwing lasing ang suspek at muling sinita ng ginang.

Halos mabingi umano ang suspek sa kasesermon ng biktima hanggang sa kumuha ito ng samurai saka pinagtataga ang asawa. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments