Base sa Ordinance No. 056 ng 2001 na iniakda ni Councilor Marion Andres, puwersadong sumailalim ang mga lalaking inirereklamo ng rape at seduction na nagbunga ng anak sa paternity testing para mabatid ang pagkakasala nito, at mga lalaking inirereklamo na ayaw kumilala at sumuporta sa kanilang mga anak.
Ayon kay Andres, nabuo ang ordinansa dahil sa pagdagsa ng bilang ng rape cases na hindi napatunayan dahil sa kakulangan ng ebidensiya kahit na nagbunga ito ng sanggol, at ang pagtaas ng bilang ng mga bastardong bata.
Sa DNA testing, mapapatunayan ang pagiging guilty ng mga rape suspek kapag nagtugma ang mga cells nito sa kanyang anak at makukumpirma rin ang relasyon ng mag-ama kung saan hindi makakatanggi ang lalaki ng kanyang suporta dito.
Aakuin naman ng panig ng babaeng nagrereklamo ang lahat ng gastos sa DNA test kung gusto nitong magkaroon ng katarungan at suporta ang anak. Ang resulta ay isusumite sa korte bilang matibay na ebidensiya. Isasagawa ang DNA testing sa Marikina City Health Office, NBI lab, PNP Crime Lab at mga pribadong ospital na kaanib ng Department of Health. (Ulat ni Danilo Garcia)