Nakilala ang suspek na si Milky Calikdan, 30, jeepney driver, walang permanenteng tirahan. Nakatakdang ipadala na ito sa Alaminos, Pangasinan kung saan ginawa niya ang krimen kasama ang tatlong barkada sa pagpatay sa mag-amang may apelyidong Capas noong 1996.
Ayon kay SPO1 Richard Masilang ng Follow-up Unit, isang kamag-anakan nito ang nagsumbong sa kanila nitong buwan ng Marso ang pamamalagi sa lungsod ng suspek na matagal nang pinaghahanap ng pulisya.
Nahirapan umano sila na arestuhin ang suspek dahil sa hindi nila ito matiyempuhan at natutulog lamang sa loob ng kanyang ipinapasadang jeep kahit saan ito abutan ng antok. Lulong na umano sa droga ang suspek at palagi silang tinatakot na susunod na papatayin kapag isinumbong siya sa pulis.
Nagresulta naman ang matagal na pagmamanman ng pulisya matapos na matiyempuhan ito dakong alas-5 kamakalawa ng madaling-araw nang masumpungan nila itong natutulog sa kanyang jeep (PXE-172) sa may Boni Avenue.
Batay sa rekord ng pulisya, kasama sina Ronnie Cubos at ang magpinsang Richard at Cesar Caballeros, pinatay ng mga ito ang mag-ama noong 1996 sa pamamagitan ng pagpalo ng bareta at kawayan sa buong katawan dahil sa isang awayan sa lupa sa Pangasinan.
Pinaghahanap pa ang magpinsang Caballeros at nahaharap sa kasong double murder sa Alaminos, Pangasinan. (Ulat ni Danilo Garcia)