Holdaper tiklo sa pekeng baril

Hindi nakalusot ang isang holdaper sa kanyang gimik na panghoholdap gamit ang isang laruang baril matapos na mabuking ito ng babaeng kanyang biniktima sa loob ng isang FX taxi at habulin siya hanggang sa madakip ng isang pulis, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Bumagsak sa Marikina detention cell ang suspek na si Rodolfo Bautista, 43, ng #1117 Balite st., Rodriguez, Rizal. Nakumpiska rin sa kanya ang kalibre .38 toy gun na ginamit niya sa panghoholdap.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-11 ng umaga sa Marcos Highway, Marikina City. Sumakay ang biktimang si Sheryll Bagayas, 21, ng #69 Main st., Cubao, Quezon City sa isang FX taxi galing Cubao patungong Sta. Lucia East Grand Mall.

Umupo umano ang biktima sa tabi ng driver nang sumakay at tumabi sa kanya si Bautista. Pagsapit sa Marcos Highway, Ligaya ay tinutukan siya ng suspek ng kalibre .38 at binulungan siya ng "hold-up ito, huwag kang maingay kung hindi papatayin kita."

Pagkaraan niyon ay agad na kinuha ng suspek ang kanyang bag na naglalaman ng kanyang cellphone, relo at ilang piraso ng alahas saka mabilis na bumaba ng sasakyan at tumakbo patungo ng Marikina proper.

Napansin naman ng biktima na peke ang gamit nitong baril dahil sa mas maliit ito kaysa sa tunay na baril at agad na lumabas ng taxi saka nagsisigaw ng tulong.

Isang maigsing habulan ang naganap nang marinig ang kanyang paghingi ng tulong ni SPO2 Ranie Salih, nakatalaga sa National Capital Region-Criminal Investigation Division (NCR-CID) na humarang at dumakip sa suspek. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments