Binata tinodas dahil sa pustahan

Isang binata na magaling sa larong basketball ang nilaslasan ng leeg matapos talunin nito sa kanilang pustahan ang suspek kamakalawa ng gabi sa Commonwealth, Quezon City.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Rodolfo Manares, 19-anyos at nakatira sa No. 84 Kalinisan st., Barangay Commonwealth, Q.C. habang pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang suspek na si Samuel Ilagan.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-11:50 kamakalawa ng gabi ay nakipaglaro ang biktima sa suspek ng basketball sa FM concrete products compound sa nasabing lugar.

Natalo umano ang suspek sa kanilang one-on-one na laro na mayroong pustahan at ng sinisingil ng biktima si Ilagan ay nagkunwaring galit hanggang nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Pinilit ng biktima ang suspek na magbayad subalit sa halip na bayaran ay nagbunot ito ng patalim saka nilaslas ang leeg ng biktima.

Mabilis na tumakas ang suspek matapos ang insidente habang namatay noon din ang biktima. (Ulat ni Rudy Andal)

Show comments