Ang pahayag ay ginawa ng Pangulo sa isang seremonyang ginanap sa Ultra sa Pasig sa pagdiriwang ng Araw ng Kababaihan.
Sinabi ng Pangulo na, sa kabila ng respetong ipinagkakaloob ng kalalakihang Pilipino sa kababaihan ng bansa, ito ay respeto lang bilang isang babae at hindi respeto bilang isang kapantay na nilalang.
"Ang pagsalubong sa hamong ito ay nagbibigay sa atin ng masusing pagkakataon upang maiangat ang buhay ng karaniwang kababaihan sa Pilipinas. Marami pang kailangang gawin. Kailangan pang masagot ang kahirapan sa kanayunan at maging sa lungsod", anang Presidente.
Sinabi ng Pangulo na, bagaman marami nang mga batas na napagtibay para sa kapakanan ng kababaihan sa bansa tulad ng anti-sexual harassment na isinulong niya noong siya ay isang Senador pa lang, kailangan aniyang maipasok uli sa Kongreso ang anti-trafficking bill at ang anti-battering bill.
Kaya aniya sa ilalim ng kanyang pangasiwaan, sisikapin niyang mapalawak pa ang partisipasyon ng kababaihan sa pamahalaan. Kaya aniya mas marami ang kababaihang opisyal sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Binanggit ng Pangulo ng kababaihang miyembro ng kanyang gabinete tulad nina PMS Chief Vicky Garchitorena, Budget Secretary Emilia Boncodin, Labor Secretary Patricia Santo Tomas at Secretary Ging Velez bilang pinuno ng National Anti-Poverty Commission. (Ulat ni Lilia Tolentino)