Sa isang panayam kay Commissioner Luzviminda Tancangco, kinumpirma nito na hindi pa napagdedesisyunan ng komisyon kung saan kukunin ang pondo na ipangsusuweldo sa mga guro, abogado at iba pang civil servants na ikinukonsiderang itatalaga sa mga presinto na magiging karagdagang canvassers sa halalan.
Sinabi ni Tancangco, ang paghiling sa karagdagang budget na ipangsusuweldo sa mga karagdagang work force ay nasa kamay na ni Chairman Alfredo Benipayo.
"It is now his responsibility to fill those financial gaps," ani Tancangco.
Matatandaang ang pasuweldo para sa mga 230 presinto lamang ang nakasama sa P2.4B budget na ipinasa sa Kongreso at hindi kasama rito ang mga guro at iba pang civil servants na magtatrabaho sa karagdagang 20,000 presinto.
Mangangailangan ng tatlong guro sa bawat presinto kaya malaking suliranin ngayon ng komisyon ang pondo para sa 60,000 karagdagang canvassers na nakatakdang pasuwelduhin ng P600 kada araw. (Ulat ni Jhay Mejias)