Kinilala ni Sr./Insp. Efren Dayao, Valenzuela fire chief, ang mga nasawi na sina Roma Mendez, 3, at inang si Karen, 19, isa umanong GRO; lolang si Juliet Mendez, 35 at pinsang si Danny, 25. Kabilang din sa nasawi sina Michelle Gibelagen, 19, at kapatid na si Rochelle, 16, pawang GRO, at mag-asawang Ryan, 25, Michelle, 24, isa ring GRO. Ang mga biktima ay pawang nanunuluyan sa #57 Bartolome st., Viente Reales, nasabing lungsod na pag-aari ng isang Aling Gloria, na wala sa kanyang bahay ng maganap ang insidente.
Dalawang lalaki naman ang inimbitahan ng pulisya para tanungin na kinilalang sina Romel Ensique, 26, ng #60 Rincon st., Malinta at Rolando Trinidad, 21, ng #17 Rubber Master Lingunan, Valenzuela.
Bago ang sunog ay sina Ensique at Trinidad ang nakitang naghatid kina Michelle at Karen bandang alas-4 ng madaling araw at kaaalis lamang umano ng mag-umpisa ang sunog.
Nabatid na dakong alas-7:40 ng umaga kahapon ng magsimula ang apoy sa unang palapag ng apartment.
Kasalukuyang natutulog ang walong biktima kung saan pawang mga puyat ang mga GRO sa kanilang trabaho sa Bar-Bar disco ng sumiklab ang apoy na nagsimula sa sala at ng magising ay kalat na ang apoy sa buong kabahayan kayat di na nagawa pang makalabas ng bahay.
"Kumakaway pa nga sila (biktima) at humihingi ng tulong kaya lang wala na ring makalapit sa amin dahil mabilis na nilamon ng apoy ang buong bahay," wika ng isang saksi.
Idinagdag pa ng mga pamatay sunog na ang mag-asawang Michelle at Ryan ay magkayakap pa sa loob ng kanilang silid ng matagpuan.
Samantala, hindi inaalis ng pulisya ang anggulong arson matapos matuklasan ng mga awtoridad ang isang poster sa tapat ng nasunog na bahay na mayroong nakasulat na "Karen, ako ang pumasok sa bahay nyo, humanda ka susunugin ko kayo, Bong."
Napag-alaman na isa umanong adik ang nabanggit na Bong at masugid na manliligaw ng biktimang si Karen. (Ulat ni Rudy Andal at Rose Tamayo)