Inaresto sina Vanessa Benedicto Castillo, 33, sumikat bilang si "Sugar" sa soap opera na Annaliza noong 1980s, nakatira sa #53 Michael Raymund st., Marieta Romeo Village, Sta. Lucia, Pasig City at ang dati nitong asawa na si Jordan Castillo, 33, dati ring bold actor.
Kasama rin nakalaboso ang ngayoy lover ni Sugar na si Juanito Samson, 28, residente ng Ipil st., Marieta Romeo Village, Bgy. Sta. Lucia.
Nauna rito, isang warrant of arrest ang inihain sa dating mag-asawa matapos na hindi makapagpiyansa sa kasong droga na kinakaharap nila noong 1998. Hindi sumipot ang dalawa sa ginawang hearing kaya naging wanted na sa batas.
Ang kaso ay bunsod ng isang raid na isinagawa sa dating tirahan ng dalawa kung saan may 50 gramo ng shabu ang nakumpiska sa mga ito.
Pero, kahapon habang binabagtas nina Benedicto at Castillo kasama ang tatlo pa ang kahabaan ng Michael Raymund st. ay bigla silang hinarang ni Samson at tutukan ng 9mm baril si Castillo kasabay ng pananakot na papatayin kapag hindi nangakong titigil na sa pakikipagkita kay Benedicto.
Matapos makaalis si Samson ay dumiretso sa Pasig police sina Castiilo para ireklamo ang una. Dito nadiskubre ni Benedicto na meron pala silang warrant na matagal ng nakabimbin.
Agad rin naaresto si Samson at nahaharap ngayon sa kasong grave threat at paglabag sa Omnibus Election Code o Gun Ban. (Ulat ni Danilo Garcia)