Misis tiklo sa shabu na ipupuslit papasok ng selda

Isang ginang na dadalaw lamang sa kanyang nakakulong na asawa ang inaresto sa Makati City Jail matapos mahulihan ng shabu na nakaipit sa kanyang ari na pasalubong sana niya sa asawa, kamakalawa ng hapon.

Magkasama na ngayong naghihimas ng rehas ang hinuling si Susan Sobria, at mister nitong si Randy na nakakulong naman sa kasong drug pushing.

Sa report ni JO1 Evamarie Tenedora, dakong alas-3:35 kamakalawa ng hapon sa loob ng nasabing bilangguan ng kapkapan si Susan ng nasabing jailguard.

Habang kinakapkapan umano ay napansin nitong hindi mapakali at pinagpapawisan ang ginang na tila may kinatatakutan.

Dahil sa kahina-hinalang kilos nito ay nagduda ang guwardiya kaya pinapasok ito sa comfort room at pinaghubad at doon ininspeksiyon ang buong katawan nito.

Nadiskubre sa ari ng ginang ang nakaipit na isang selyadong transparent plastic sachet na naglalaman ng shabu.

Mabilis na inaresto ang ginang at nalaman na ang naturang droga ay dadalhin sana niya sa asawa.

Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Anti-Dangerous Drug Law . (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments