2 magnanakaw ng mga patay sa sementeryo, nasakote

Dalawang sinasabing tirador ng mga patay na nagnanakaw ng mga buto at ginto ng mga bangkay ng tao sa loob ng La Loma Cemetery ang nasakote sa aktong dala pa ang ilang kalansay, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Naaktuhan habang isinisilid sa isang sako ang ilang piraso ng buto ng kalansay ng tao ang mga suspek na sina Angelito Santos, 27, at Willie Mempin, 27, kapwa may asawa at walang permanenteng tirahan.

Sa imbestigasyon ni PO3 Arnel de Guzman, alas-8 kamakalawa ng gabi ng magsagawa ng pagpapatrulya si Rey Dalumpines, guwardiya sa nasabing sementeryo, at mamataan ang mga suspek.

Ayon kay Dalumpines, katatapos lamang maghukay ng lupa ng dalawa ng mahuli niya sa aktong nagsisilid ng mga kalansay sa sako.

Nabatid na marami na umano sa mga kaanak ng mga nakalibing sa La Loma ang nagrereklamo sa mga nawawalang buto ng kanilang mga mahal sa buhay tuwing dadalaw ang mga ito sa panahon ng Pista ng mga Patay.

Sa nakalap na impormasyon, karamihan sa mga buto ng kalansay na nawawala sa kani-kanilang libingan ay iyong hindi nadadalaw ng mga kaanak at yaong lumagpas na sa limang taong kontrata sa lupang pinaglibingan ng mga ito at saka ipagbibili ang lupa sa mga bagong magpapalibing.

Inamin ng mga suspek na binabayaran sila ng P600 hanggang P1,000 ng mga kaanak ng bawat bangkay na kanilang mahukay.

Ayon sa mga suspek, iyong mga kumukuha ng kanilang serbisyo ay yaong gustong makaiwas sa pagbabayad ng tinatawag nilang exhumation fee na umaabot sa halagang P2,500 para legal nilang makuha at mailipat ang labi ng kanilang patay sa ibang lugar. (Ulat ni Gemma Amargo)

Show comments