Pang-negosyo ni mister tinangay ng motorcycle gang

Naglahong parang bula ang plano ng isang mister na magtayo ng isang negosyo matapos na tangayin ng apat na armadong lalaki na nakasakay sa tatlong motorsiklo ang kanyang P940,000 puhunan na kawi-withdraw lamang niya sa banko, kamakalawa sa Mandaluyong City.

Sa pahayag ng biktimang si Gener Villegas, 44, may asawa, real state broker at residente ng #77 A. Romero st., Bgy. Poblacion, Mandaluyong City, kagagaling niya sa PCI Bank-Kalentong branch dakong alas-11:30 ng umaga matapos na iwithdraw ang P940,000 na umano’y pampuhunan para sa itatayo niyang negosyo at sakay ng Kia Pregio ng sabayan ng dalawang motorsiklo at harangin ng isa pang motor sa kahabaan ng Harapin ang Bukas st.

Agad siyang tinutukan ng baril at kinuha ang kanyang perang pang-negosyo, pitaka na may lamang P6,000 at Nokia 3210 cellphone.

Isa sa apat na suspek ang nakilala ng biktima na si Fernando Cordova mula sa photo gallery ng pulisya. Hindi umano ito nakasuot ng helmet ng lumapit sa kanya di tulad ng tatlong kasamahan nito.

Nabatid sa police record na si Cordova ay nakulong na sa kasong robbery pero nagpiyansa kaya nakalaya.

Hindi ito naaresto ng salakayin ng pulisya ang dating tinitirhan nito sa Mariveles st., Bgy. Highway Hills.

Nahihirapan naman resolbahan ng pulisya ang kaso ng mga payroll robbery na kahina-hinalang umaatake tuwing may malalaking withdrawal na nagaganap sa mga banko, dahilan para maghinala ang mga awtoridad na posibleng mayroong sabwatan sa pagitan ng mga suspek at ilang kawani ng mga banko. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments